Pages

Thursday, July 3, 2008

Sa Kaibigang Gusto Ko Sanang Batiin sa Kanyang Kaarawan

Kaarawan n'ya kahapon at halos buong araw kong pinag-isipan kung dapat ko ba siyang batiin. Dapat sana'y di kailangang pagaksayahan ng panahon ang pag-iisip tungkol dito. Kung tunay nga akong kaibigan, di na ako dapat nagatubili. Pero nanaig pa rin ang takot na bigyan ng isang maling kahulugan ang pag-alala sa isang kaibigan. Kaya't minabuti ko na lang na isulat dito ang aking niloloob. Kasunod ang isang sulat para sa kanya, isang sulat na di kailanman maipadadala...

Kaibigan,

    Bakit nga ba nagbago ang lahat? Wala akong maalalang nagawa upang maging dahilan sa iyong paglayo. Sa aking naiisip na posibleng dahilan, hinanakit lamang ang aking maisusukli sa iyo kung tama nga ang aking hinala. Hindi lang isang beses ko ito nabanggit noon, ngunit pagtanggi palagi ang iyong sagot sa akin.

   Noong nakaraang buwan, habang naglalakad sa Acad Oval kasama ng maraming tao, nalamapasan mo ako. Mabilis ang iyong paghakbang palayo sa akin. Hindi ko tinawag ang iyong pansin dahil sa aking palagay ay nakita mo naman ako ngunit tuloy-tuloy ka pa rin sa iyong paglalakad.  Lubos na bang nagbago ang itsura ng aking likuran na di mo na ito nakilala? Dahil ba may suot akong sumbrero ay wala man sa hindi nakakubli sa akin ang nagpaalala sa dati mong kaibigan?

    Igagalang ko ang iyong kagustuhan na lumayo. Mayroon kang dahilan para gawin ito ngunit masakit pa ring tanggapin ang iyong katahimikan! Ngunit sa kabila ng lahat, nagpapasalamat ako sa panahon na iyong inilaan upang maibsan ang mga sugat sa aking kaluluwa. Naroon ka sa mga pagkakataong kinailangan ko ng uunawa sa burak ng aking pagkatao.

    Sana'y nasa maayos kang kalagayan! Katulad ng madalas mong sabihin sa akin noon, hanapin mo ang iyong kaligayahan! Maligayang Kaarawan, NdC!

    

3 comments:

  1. Sa aking palagay ang kaibigan mong itinuturing ay may lihim na itinatago sa iyo kung kaya't siya ay umiiwas sa iyo. Maaring mayroon siyang ginagawang kahiya-hiyang aminin sa iyo.

    ReplyDelete
  2. Hay naku! Ganoon na nga siguro. Kaya lang di ko maiwasang manghinayang sa isa pang nawalang kaibigan.

    ReplyDelete
  3. Talagang ganun siguro may nawawala at may dumadating. Tita Jang, pakisagot naman yung email ko sa iyo tungkol dun sa fish fillet recipe. Salamat.

    ReplyDelete