(DESIDERATA)
Salin ni Pete Lacaba
Lumakad nang mahinahon
Sa gitna ng ingay at pagkukumahog, at alalahanin
Ang kapayapaang maaaring makuha sa katahimikan.
Walang isinusuko hanggat maaari,
Pakitunguhan nang mabuti ang lahat ng tao.
Sabihin ang iyong katotohanan nang tahimik at malinaw;
At makinig sa iba, kahit sa nakayayamot at mangmang;
Sila man ay may kasaysayan.
Iwasan ang mga taong mabunganga at palaaway,
Sila ay ikinaiinis ng kalooban.
Kung ihahambing mo ang sarili sa iba,
Baka yumabang ka o maghinanakit; sapagkat laging
May lilitaw na mas mahusay o mas mahina sa iyo.
Ikalugod ang iyong mga tagumpay at saka mga balak.
Manatiling interesado sa iyong hanapbuhay,
Gaano man kaaba; ito ay tunay na ari-arian
Sa pabago-bagong kapalaran ng panahon.
Maging maingat sa iyong negosyo;
Sapagkat ang daigdig ay puno ng panlilinlang.
Subalit huwag maging bulag sa kabutihang makikita.
Maraming nagsisikap na makamit ang mga adhikain;
at sa lahat ng dako,
Ang buhay ay puno ng kabayanihan.
Maging tapat sa sarili. Higit sa lahat, huwag magkunwari.
Huwag ding libakin ang pag-ibig:
Sapagkat sa harap ng lahat ng kahungkagan at kawalang-pag-asa,
Ito ay lagi-laging sumisibol, tulad ng damo.
Tanggapin nang mabuti ang mga payo ng katandaan,
Buong-giliw na isuko ang mga bagay-bagay ng kabataan.
Pag-ibayuhin ang lakas ng loob,
Ito ay pananggalang laban sa biglaang kasawian.
Subalit huwag ikaligalig ang mga haka-haka.
Maraming pangamba ang likha ng pagod at pangungulila.
Bagamat kailangan ang sapat na disiplina,
Maging magiliw sa sarili.
Ikaw ay supling ng sanlibutan.
Katulad ng bituin,
May liwanag kang taglay.
At anupaman ang iyong gawin,
Itong sanlibutan ay narito
Sa paligid mo.
Kung gayon, pakisamahan ang Panginoon,
Anuman ang pananaw mo sa kanya.
At anuman ang iyong pinagkakaabalahan at minimithi,
Sa maingay na kalituhan ng buhay,
Pakisamahan ang iyong kaluluwa.
Sa kabila ng lahat ng pagkukunwari, kabagutan,
at gumuhong pangarap,
Maganda pa rin ang daigdig.
Galing sa "So far, so good" http://elsalvadordelmundo.wordpress.com/2007/06/23/minimithi/
No comments:
Post a Comment