Pages

Friday, April 3, 2009

Pulot at tsaa

    Kanina, nang inuubos ko ang tsaang tinimpla ko at inabot ko ang ilalim na kung saan naipon ang pulot dahil di ko ito lubos na nahalo, di sinasadya kong naalala si Mama. At hindi ito dahil mahilig syang uminom ng tsaa.

    Minsan, tinangka kong alalahanin kung anong mga paboritong ulam at inumin ni Mama noong kam'y bata pa. Wala akong maisip maliban sa mga niluluto nyang mga paborito naming ulam. Ni hindi ko nga maalala kung anong iniinom nya kapag almusal. Hindi naman siguro dahil mga bata pa kami at dahil dito ay walang saysay ang mundo pagkalampas ng mga ilong namin. Si Papa kasi, maliwanang na kape ang pansimula ng kanyang araw at may mga araw na naiisipan nyang uminom ng fresh milk. Dahil ba kaya na wala talaga paborito si Mama? O ipinagkait lamang niya sa kanyang sarili na madalas tikman ang kanyang mga nagugustuhang pagkain at inumin?

     Habang lumalaki kaming magkakapatid, bukambibig ni Mama ang pagtitipid at pag-iipon. Hindi naman ito nakakagulat dahil sa pangangaillangan na pagkasyahin ang maliliit na suweldo nilang mag-asawa sa gastusin ng pamilya. Marami kaming naninirahan sa isang bahay. Maliban sa aming pamilya, kasama namin ang lola ko at ilan pang kamag-anak. Dahil siguro si Mama at Papa lamang ang naninirahan sa Maynila sa kanilang mga kapatid, naging ugali na ng aming mga pinsan na nag-aaral sa Maynila na sa amin manirahan.

    Hindi lang matipid si Mama sa kanyang sarili, pinupuna nya ang mga magagastos na gawi ng ibang miyembro ng pamilya, lalo na si Papa. Lagi nyang sinasabi na kailangang mag-ipon para sa kanilang katandaan. Paano daw kung siya's magkasakit at maospital, kung wala siyang itatago, paano na daw kami? Ayaw daw nyang umasa sa amin sa kanyang katandaan!

    Ang kaisipang ito ay di sinasang-ayunan ni Papa. Galante siya lalo na sa mga taong labas sa aming pamilya. Hindi sya nagdadalawang-isip bumili ng magagastos na gamit! At para siguro mabigyan ng katwiran ang kanyang mga gawi sa paghawak ng pera, sa mga kumpulan namin na di kasama si Mama, madalas nyang pinagtatawanan at pinaparatangan si Mama na kuripot. Kami nama'y nagsasabi na sa sobrang tipid ni Mama at dahil sa pagkakait sa sarili, magkakasakit nga siya. Imbis na gamitin ang pera nya sa pagpapaginhawa, parang hinahanda nya ang kanyang sarili sa kanyang pagdurusa! Sa madaling salita, walang kakampi si Mama sa kanyang paniniwala.

     Hanggang sa umabot na nga sa kanilang katandaan sina Papa at Mama. Sa sunod-sunod na pagkakasakit ni Papa hanggang sa umabot sa kanyang kamatayan, naging matingkad ang usapin kung saan kukunin ang mga panggastos dito. Merong pension at medical priviileges si Papa mula sa Veteran's na tumustos nang bahagya sa kanyang mga gamot at  pagkakaospital. Kaming magkakapatid ay nagbigay ng lahat ng aming makakaya ngunit ang malaking bahagdan ay galing sa perang naipon ni Mama. Pati ang sariling memorial plan ni Mama na kanyang matiyagang binayaran ng intallment ay siyang ipinagamit kay Papa dahil ang sa kanya (na si Mama rin ang nagbayad) ay pinagamit sa kapatid ni Papa nang ito'y namatay.

       Ngayon, sa pagkakaratay ni Mama dahil sa sari-saring sakit, nababanaagan ko ang saysay ng kanyang paniniwala. Ang kanyang naipon at ang apartments na kanilang naipundar  ni Papa ang siyang pinagkukunan ng pambili ng ilan sa kanyang mga pangangailangan at pagpapatakbo ng kanyang tahanan na kung saan naninirahan ang mga pinsan ko na tumutulong sa kanyang pag-aalaga. Hindi lubusang nakabibigat sa aming magkakapatid ang pag-abot sa pangangailang medikal ni Mama dahil hindi lahat sa amin inaasa ang gastusing ito.

       Kung iyong titingnan, siguro'y parang kaawa-awa si Papa dahil sa kanyang mga huing araw, wala na ang karangyaan na ikinasaya nya noong malakas pa sya. Ang sabi nya'y dapat matikman ang iyong mga pinaghirapan habang ikaw ay malakas pa. Hindi nya inisip ang kanyang katandaan at mga huling araw. Kaya't naitatanong ko sa sarili ko, masaya kaya sya noon dahil hindi naman ito taliwas sa iniisip nyang magiging kalagayan ng kanyang buhay pag ito'y nagtapos na!

       Masaya din nga kaya sa Mama sa kanyang mga araw ngayon na tila walang saysay? Nararansan nya ba ang kaginhawahang dala ng pagtupad sa lahat ng kanyang kasalukuyang pangangailan?

     Sino nga kaya kay Mama at Papa ang tama sa kanilang paniniwala?Alin kaya ang masasabi nating tanda ng karununungan? Ang maging masaya at magpakasasa sa kabataan at maghikahos naman sa katandaan? O ang magkait sa sariling kaginhawahan upang ito'y maranasan naman sa katandaan?

     Ako siguro, maglalagay lamang ako ng sapat na pulot sa inuming tsaa kung kailangan. Hahaluin ko nang husto upang lubos kong malasap ang tamis nito. Mag-iiwan pa ako ng pulot sa sisidlan hanggang makakaya. Ipatitikim ko rin ang pulot sa ibang tao. Pag naubos na ito, pagbubutihin ko ang paraan upang magkaroon ulit ng pulot. Pulot na sisiguraduhin kong matitikman rin ng mga anak ko!

2 comments:

  1. bear brand sis yung iniinom ni mama. paborito rin nya ang pwet ng manok. just realized this kasi ngayon lang ako nakakakain ng pwet ng manok in my 40's. laging save yung pwet for mama pag roast chicken ulam natin. ang lesson ni mama at papa sa akin, in moderation. konteng tipid, konteng gastos.

    ReplyDelete
  2. Oo nga ano! I remember now that was what she used to ask us to buy even for my kids when they used to sleep over in their house.

    ReplyDelete