Madalas kong tanungin ito sa 'king sarili kapag ang dami ng gawain ng guro ay tila dumadagan na sa aking dibdib hanggang sa tunay na hindi na ako makahinga. May pagkakataon din na iniisip ko kung ang kakarimpot na suweldong tinatanggap ko ay sulit sa lahat ng oras na inilalaan ko upang magampanan ang aking trabaho. Pinagmumuni-munihan ko rin kung minsan kung dapat ba akong manatiling titser samantalang di nakakarating sa aking kamalayan kung may saysay nga ba ang aking mga binabahagi sa mga estudyanteng labas-pumasok sa aking buhay?
Kapag nababasa ko ang SET results, hindi ako nabubuhayan ng loob dahil sa mga nakukuha kong rating. Hindi naman mababa ngunit hindi rin naman kataasan. Para sa akin kasi, ang katamtaman lamang ay di tanda ng magaling! Pagkatapos kong basahin ang mga nakasulat sa peyups.com at hindi man lamang ako nabanggit kahit na sa anumang "Most" (kahit na most hated o most boring), naiisip ko tuloy na kung iwan ko ang pagtuturo, walang mababago sa ikot ng mundo ng aming mga estudyante. Walang manghihinyanag sa aking paglisan, ni isa ay hindi makapapansin na wala na ang aking pangalan sa listahan ng mga klase sa panahon ng pagpapatala. Sa madaling salita, ramdam ko na parang invisible ako sa unibersidad!
Ngunit ngayong hapon, lumukso muli ang aking dugo. May isa akong dating estudyante na nagsabi na naging inspirasyon para sa kanya ang aking pag-aaral tungkol sa pagsukat ng pagkarelihiyoso upang kanyang ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng sarili niyang pag-aaral. Lubos ang kanyang pasasalamat na walang pag-aatubili ang aking pagbigay ng payo at tulong upang ituloy nya ang kanyang pananaliksik. Dahil sa kanyang sinabi at sa aking pagkaalala na hindi ito unang pagkakataon na narinig ko mula sa estudyante ang ganitong mga kataga, nagkaroon ako ng puwang para sa ibang pananaw. Marahil ang saysay ko sa pagiging titser ay hindi masusukat sa paghanga ng maraming estudyante sa aking kakayahang magturo sa loob ng silid-aralan.
Marahil ang tagumpay ko ay magmumula sa kahit na mangilan-ngilan na estudyante na mabubuksan ang isipan, bubuti ang puso, at magkakaroon ng lakas ng loob na abutin ang kanilang mga pangarap. Lahat ito, dahil minsang nagdaan ako sa kanilang buhay.
No comments:
Post a Comment