Pages

Monday, May 25, 2009

Alay sa UP Freshmen 2009

Address for CSSP Freshmen Survival Handbook

  

Huminga ng malalim

Namnamin, naiibang simoy ng hangin

Na malayang umiihip sa Diliman

Pangarap, inasam-asam, narito na ang kagampanan.


Laging makakasama,

Amoy ng mga pauli-ulit na ulam sa CASAA,

Monay,camote-Q, turon, at carioca

Malalanghap, usok ng IKOT at TOKI jeep

Kahalo ng mga hininga

Ng sa paglakad at pagtakbo sa Academic Oval, 

Kalusuga’t pagpayat iniaasa.


Pagmasdan ang luntiang kapaligiran,

Matatayog na mga gusali, bago at luma

Tandaan mabuti ang mga bagong mukha

Abangan, mga palabas sa teatro at lansangan

Imulat ang mga mata sa lantad na katotohanan

Dito tayo sa UP, nirerespeto ang kaibhan.


Pakinggan nang mabuti

Tunog ng kampanang umaawit, halakhak sa mga tambayan

Mga sigaw ng protesta, mga bulungan ng nag-iibigan

Mga boses na gagabay sa inyong mga unang hakbang

Mga tuntunin at payo, huwag kalimutan

Mga balita ng mga guro at kolehiyo,inyong abangan.


Yakapin ang mga karanasan

Hatid ng inyong pagbaybay sa di-patag na daan

Matuto mula sa mga kamalian

Ipagbunyi ang mga suliraning pagtatagumpayan!


Pagbating mainit aming alay

Pangakong maingat na pagsubaybay

Habang hinuhubog, inyong mga diwa’t isipan  

Upang maisapuso, paglilingkod sa Sangkatauhan

Kayong hinirang na mga bagong Iskolar ng Bayan!

No comments:

Post a Comment